Alpha
Sa Simula, S'ya ang lumikha,
at dahil sa Kanya ako nagmula,
ngayon, wawakasan ko na..
Ng magbabalik sa aking Ama.
Nag umpisa akong talikdan,
ang naging dahilan para S'ya ang matalikuran.
Inumpisahan kong Sya ay basahin,
para S'ya naman ang kilalanin.
Sa simula, parang ayaw kong maniwala,
Ngunit isang araw, habang nagbabasa,
Tila nabigyan ako ng pag-asa,
At doon, sinubukan ko ang magtiwala.
Ang saya!
Parang mga bituin na nag linya linya.
Mga problemang hindi matapos tapos,
isa isang nagiging maayos.
Ang simula, Napakasaya.
-----
Pagkalimot
OO! Ikaw nga ay sobrang masaya,
inaakala mo lang palang maayos ka.
Dahil ng sumapit ang madaling araw,
alas-tres, sa dilim, ikaw ay nasilaw.
Pakiramdam mo, may kulang?
Sa tingin mo, sino?
Hindi ka na nakuntento,
ikaw pa ang nagrereklamo.
Paano ba naman kasi?
Pagkatapos mong makuha ang gusto,
bigla ka nalang magmumulto.
Tapos bigla kang tatakbo, sa Iisang hindi nang-iwan sa iyo.
OO! Kapatid, kulang ka, dahil nakalimutan mo S'ya,
pero nakalimutan ka ba N'ya?
Humingi ka ng tulong,
pero magaling ka lang sa umpisa.
Pero wag kang mag alala, alalahanin mo lang,
ang S'yang nagpa-alala sayo,
at hindi ka tiningnang kulang.
Hinihintay ka lang bumalik, ng S'yang hindi nagkulang.
-----
Pagsusumamo
Ito, sinusubukan kong bumalik Sa'Yo..
Kumakatok ako..
Sana'y muling Iyong pagbuksan.
Ibalik natin ang tamis ng ating samahan.
Papa, Papa..
Nandito ulit ako..
Ako ba'y naririnig mo?
Sana'y wag ng magtampo kung ako'y nakalimot sa iyo.
Pasensya na, naiwan Kita sa ere.
Kausapin mo akong muli, kung pupwede..
Nand'yan ka pa ba? Teka, parang hindi Kita naririnig.
Wala Ka na bang nararamdaman, namamanhid.
Alas tres, madaling araw,
habang dila't ang mga mugtong mata,
Ikaw naman ang tila natutulog.
Gumising ka Papa, gusto kong tayo naman ang maging maayos.
At ngayon, ayaw kong tayo ay matapos.
-----
Omega
Halika na anak.
Nan'dito lang naman ako.
Hindi naman ako nawala,
sinubukan ko lang, kung hanggang saan ang pagtitiwala mo.
Hindi naman ako natutulog,
lahat ng mga luha mo, pinupunasan ko.
Masakit mang makita,
Pero kailangan, para maramdaman mo..
Para maramdaman mo ang pagmamahal ko.
Minamahal kita anak, ano pa ba ang hahanapin mo?
Halika na anak, tapusin natin ng pagdududa mo.
Nakikita ko na taos itong puso mo.
Kaya, Halika na anak at yakapin mo Ako.
.
.
"Babalik na ako, at totoong masaya ito.
Natapos na ang paghihirap simula ng magpaubaya Sa'Yo.
At ngayon dito na magwawakas, magwawakas sa mga braso
ng Amang walang wakas. Walang wakas magmahal."
Si Papa, nagsimula. S'ya ang magwawakas.
Magwawakas ng mga pighati, at kalungkutan.
Mga tula para sa patimpalak ng Saranggola Blog Awards 11 .




No comments:
Post a Comment